“Maghiwalay na tayo. Hindi ko na kaya ang lahat ng sakit na ibinigay mo. Sobra-sobra na! Baka mawala na ng tuluyan ang nalalabing respeto ko sa sarili ko. Kung hindi mo ako kayang respetuhin bilang asawa mo, sana kahit man lang bilang tao.”
Hanggang ngayon ay nauulinagan ko pa ang tagpong iyon. Tanging ang mga tunog na lamang ng mga kulisap ang pumaimbabaw matapos ang pagtatalong iyon. Iyon din ang huling pagkakataon na nasilayan ko siya. Minabuti kong magpakalayo-layo hanggang mapadpad ako ng Maynila. Sa mura kong edad nakipagsapalaran ako at naghanap ng mapapasukan. Halos walang tumanggap sa akin noong mga panahon na iyon. Dahil doon, nagdesisyon akong tumanggap na lamang ng labada. Naisip kong mas maigi na iyon para makaipon sa nalalapit na panganganak ko. Makalipas ang dalawang buwan at dumating sa buhay ko si Monica.
“Misis, babae po ang anak nyo. Kaygandang bata”
Abot-langit ang kaligayahang naramdaman ko nang una kong mahawakan at mahagkan ang pinakamamahal kong anak. Hindi ko na batid ang lahat ng sakit na dinanas ko. Ang mahalaga sa akin ay sya at ako.
Tiniis naming mag-ina ang halos araw-araw na pagkain ng sardinas at galunggong makaraos lamang ang hapdi ng tyan. Sa kagustuhan kong maibigay ang lahat ng kailangan ni Monica, ginawa kong araw ang gabi. Takip-silim pa lamang ay laman na ako ng lansangan. Nakikipagbunuan sa mga maaga ring namimili sa Divisoria. Pagdating ng bahay ay ihahanda ang almusal at baon ni Monica sa pagpasok. Sa sandaling maihatid ko na sya sa paaralan, uumpisahan ko na ang tanggap kong mga labada. Matapos ang tanghalian, iluluto ko na ang mga pinamili sa Divisoria para sa meryenda na aking itinitinda, Naging ganyan ang takbo ng pang-araw-araw na buhay ko.
Masipag mag-aral si Monica. Lagi syang kabilang sa 10 pinakamagagaling na mag-aaral sa klase. Lagi rin syang laman ng silid-aklatan kaya naman naisip ko matalino ang anak ko. Kaliwa’t kanan din ang mga parangal na kanyang natatanggap sa mga patimpalak sa panitikan. Sa kanyang pagtatapos sa mataas na paaralan, nakamit din nya ang isang natatanging parangal na iginawad ng Kagawaran ng Edukasyon.
Sa kakapusan ng pangangailangang pinansyal hindi na nakatuntong ng kolehiyo si Monica. Gumuho ang mga pangarap ng anak ko. Parang isang napakatayog na saranggola ang mga pangarap ni Monica na ngayon ay unti-unting nahuhulog pababa sa pagkakaputol ng sinulid nito. Napakasakit para sa akin na hindi ko maibigay ang nararapat na buhay para sa kanya.
Sa mga araw na nagdaan, ramdam ko ang pagkadismaya ng aking anak. Minabuti nyang mamasukan na lamang ng trabaho para makatulong sa panggastos sa pang-araw-araw naming pangangailangan. Lingid sa kaalaman ko ang uri ng hanapbuhay na kanyang pinasok. Sa pagnanais nyang makaipon ng mas mabilis upang makabalik sa paaralan, pumasok sya bilang mang-aaliw sa isang club. Ang tanging bagay na kanyang nabanggit sa akin ay kailangan nyang manatili sa lugar ng kanyang trabaho sa loob ng 6 na araw sa isang linggo at uuwi lamang sa araw na wala syang pasok.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi ako mapalagay sa tuwing magpapaalam sya sa akin upang bumalik na naman sa trabaho. Hinuha kong may kakaibang nangyayari sa aking anak. Pilit kong nilabanan ang isiping iyon. May tiwala ako kay Monica... May tiwala ako sa anak ko.
"Nay! May ibabalita po ako sa inyo. May nakilala po akong lalaki sa pinagtatrabahuhan ko. Mukha naman po syang mabait. Sa palagay ko po eh magugustuhan nyo sya. Ilang buwan na rin po kaming lumalabas at noong isang araw ay sinagot ko na po sya."
"Kailan ko ba makikilala ang maswerteng lalaki na yan?"
"Nay malapit na."
Ngayon ko na lamang muling nasilayan ang mga ngiti sa labi ni Monica. Kahit papaano ay napanatag na rin ang aking kalooban ngayong alam kong mayroon na ring nagmamahal at nag-aalaga sa kanya. Animo'y bayani sa kanyang paningin ang misteryosong lalaki sa tuwing magkukuwento sya sa akin. Ramdam ko ang labis na pagmamahal sa kanya ng aking anak. Nasasabik tuloy akong makilala ang lalaking nagbigay-kulay sa buhay ni Monica.
"Nay! Nay!... Andito na po kami. Asan ka ba 'Nay?"
"Ano ka bang bata ka at nagmamadali? Nasa kusina lamang ako naghahanda ng tanghalian. Di ka man lang nagpasabi na uuwi ka"
"Gusto sana kitang sorpresahin eh. May kasama po ako at alam kong gusto nyo na syang makilala. Honey, pasok ka na at huwag ng mahiya."
Isang pamilyar na mukha ang aking nasilayan. Si Nestor... Tama si Nestor! Hindi ito maaari.... Hindi!
"Nay si Nestor po.... Boyfriend ko"
"Sabihin mong hindi totoo yan Monica. Sabihin mo!"
"Celia?" (banaag ang pagkagulat sa mukha)
"Magkakilala kayo?" (litong nagtanong sa dalawa)
"Monica, sya ang iyong ama"
Mas lalong nagulantang ang magkasintahan sa narinig. Umalingawngaw ang iyakan sa salas.
"Ako ang sumira ng buhay ng sarili kong anak" sambit ni Nestor.
"Ano ang ibig mong sabihin?" tanong ni Celia.
"Nay buntis po ako", sabay hagulgol ni Monica.
Para akong namaligno ng marinig ang tinuran ng aking anak. Pinagsakluban ako ng langit ng tagpong iyon. Gusto kong sisihin ang sarili ko sa nangyari dahil ipinagkait ko sa anak ko ang makita at makilala kahit man lamang sa larawan ang kanyang ama.
Lahok para sa "Bagsik ng Panitik" contest ng Damuhan